Total Pageviews

Saturday, November 19, 2011

Ang Aking Talumpati

Sa aking kapitapitagang guro: Binibining Novalinda Jurada, Sa aking mga Kamag-aral, BSCS 1D AM, at sa ating ibang Panauhing Pandangal, isang mapagpalang umaga po.

Ano nga ba ang pag-ibig? Bagamat napakaraming ibinibigay na pakahulugan si Ginoong Webster, hindi pa rin madaling ipaliwanag ito.


Simula't sapul ang mundo'y isilang, sinasabi nang may eksistensya na ng pag-ibig. Ayon sa Bibliya, tayo ay nilikha ng Diyos dahil sa pag-ibig, at  ibinigay pa nya ang kanyang nag-iisang anak, si Hesus, upang tayong mga makasalanan ay mailigtas ng dahil din sa iisang dahilan: ang pag-ibig. Tayo'y isinilang dahil sa pag-ibig ng ating magulang at nagpapatuloy tayo sa buhay dahil sa pag-ibig ng mga tao sa ating kapaligiran. 


Gayundin sa ating pagtanda, hindi maiiwasan na tayo'y maghanap ng kapareha na ating makakasama sa hinaharap. Ngunit sabi nga nila, sa ating pagtanda pa. Bilang payong ate, mas irerekomenda kong ienjoy muna natin ang ating kabataan, na minsan lamang darating sa ating buhay. Ang mga kabataan ngayon ay dapat munang nakatutok sa kanilang pag-aaral, sa kanilang paghahanda sa hinaharap. Higit pa sa kahit anong edad, ngayon, sa inyong pagiging adolescent, ang pinakamagandang panahon upang umusbong. Ayon nga sa isang talumpati ang pinakamasamang "pagkabansot" ay yung hindi na paglaki sa isip, puso at diwa. 


Sa gayon, dapat rin pala tayong umusbong sa puso. Di rin masamang magmahal, magkacrush o puppy love sa inyong edad, bagamat, dapat nating matutunan ang tamang pagpaparyoridad at limitasyon. 

Iibahin ko ang tanong.. ano nga ba ang tunay na pag-ibig? Sabi nga sa mga pelikula, "two way street" ang pag-ibig. Kailangang mutual ang nararamdaman ng dalawang tao para umusbong ang matibay na pagiibigan. 


Ang iba naman ay sa pisikal na anyo ibinabase ang pagmamahal. Sabi nga nila Boyfriend or Girlfriend material. Ang iba naman ay sa kasikatan o katanyagan at nakakalungkot ngunit ang iba naman ay sa kayamanan. Ang mga ito ang hindi tunay na pag-ibig.  


Ang tunay na umiibig: di ka iiwan sa pinakaalanganin mong panahon, di ka lilisanin kung ika'y tumaba, pumangit o tumanda, di ka huhusgahan kung ika'y sasablay sa desisyon o malilihis sa landas ng buhay. Bagamat siya ang dapat unang gumising sa iyong kahibangan, pagtanggap nya pa rin dapat andyan. Higit sa lahat, alam nya na ang pagbabago ay parte ng buhay, kaya't anumang mangyari dapat handa nyang harapin ito kasama ka at hindi yaong tatakbuhan ka na kapag ang pagkaperpekto mo'y nawala na. 


Hindi ba't kay sarap makahanap ng taong kakanta sayo ng "I wanna grow old with you..."? Huwag kayong mainip, dahil may tamang panahon at darating din siya. Mga kamag-aral, ang huling masasabi ko ay: aral-aral muna.

No comments:

Post a Comment